Tuesday, February 26, 2008

Iba pa rin ang Pinas

Kahit ano pang sabihin, ika nga...there's no place like home...payak man tayong pinoy sa yaman gaya ng bansang hapon. Sa ating bayan nakakapamuhay tayo ng simple at kahit paano masaya sa piling ng ating minamahal. Dalawang gabi na yatang tahimik ang hangin dito sa aming tinitirhan. Tila ba nagsawa din ang bagsik nito na sa aking obserbasyon ay naririnig ko lang ito tuwing may malakas na bagyo. Pero dito ordinaryo lang ang ganitong lakas ng hangin na wari ba'y may kaaway na nagaalimpuyo sa galit. Sa aking napag-aralan...ito ang nagbabadya na ang spring ay parating na upang palitan ang lamig ng winter. Maganda lang tanawin ang puting yelo sa paligid pero ito pala ay parusa din sa kanila. Lalo na sa hanapbuhay. Mahirap bumangon para maligo at maghabol ng kasagsagan ng lamig. Mas masarap pa ang mamaluktot na lang at matulog ng mahimbing para makalimutan mo ang lamig ng panahon.

Thursday, February 7, 2008

Harakiri...and honesty

Dito po sa bansang Hapon, kapag nagkasala ang isang pinuno, nakakahiya. Tutungo ka sa harap ng tao na medyo may katagalan sa pagyuko ng pagbibigay galang. Ito ay pag-amin sa paratang sa iyo. At talagang kakaibang kahihiyan ang aabutin mo dahil 1 linggong pinauulit ulit ang pagrereport sa naturang balita. Di ba kahihiyan yon? Marami din ditong nahuhuling krimen pero hindi gaya sa atin na masyadong rampant o madalas. Kahit na maliit na convenience store lagi silang may surveillance camera. Talagang hanggat mapapairal ang honesty, ginagawa nila. Gaya ng minsang maisipan naming magjogging sa may tabing dam...habangakay ko ang aking bisikleta, may nadaanan akong nalaglag na wallet. Hay naku kahit iilan kami don at malayo ang aming kasunod...hindi namin ito dinampot. Dahil ang katwiran nila, babalikan yon ng may-ari. Di ba kahanga-hanga? Sana ganyan din sa Pinas. Nakakalungkot ang aking naranasan ng minsan na nag-grocery kami ng anak ko sa Ever. Kinaugalian ko na angilagay ang wallet ko sa loob ng pushcart. Natigil kami sa may fresh produce. Habang namimili ako ng aking bibilhin, bigla kong narinig ang tunog na di kakaiba sa aking tenga. Mahilig kasi ako sa mga keychains. Alam ninyo kung bakit ako napasigaw? Hehehe. Ang wallet ko po ay inipit ng isang magandang dalaga sa kanyang kili-kili, (again...sorry po) na feeling niya'y kanya. Bigla ko syang hinarap, at sinabing...akin 'yan ah, bakit mo kinuha? At mabilis kong inagaw. Sa kabiglaanan ko di ko siya nahabol at naisumbong sa Customer Service. Eh palagay ko kahit mas malaki ako sa kanya eh tiyak na manlalaban yon. At naku ha, parang wala lang...mahinahon at d kabilisan ang kanyang paglayo ngunit madali siyang nawala sa paningin namin. Parang palos. Maganda pa naman at di mukhang mang-aagaw. Hay buhay Pinoy. Kailan kaya tayo mababago?
Sa paggagala naman namin mga pamilihan o mall dito sa Japan, kapag umuulan...kadalasan nama'y nakakakita ako ng mga payong naiiwan or sadyang iniiwanan ata. Hay naku hindi mo rin pwedeng pulutin. Ay ang camera nakakalat. Mura lang naman ang payong, hehehe. Hay nanakatuwang pagmasdan. Isa lang ang alam nila. Pag hindi sa iyo wala kang karapatan na kunin iyon...tapos!

Kakaibang lamig ng winter...

Hay naku...gabi na naman. Iisa ang aking gawain tuwing nagdidilim dito. Kailangan kong magprepara ng utampo. Magpapakulo ako ng tubig sa takure upang ialagay sa utampo. Isa itong makapal na sisidlang plastik ng tubig na pinakulo upang ito ang magbigay ng init sa aming pagtulog sa gabi. Hindi kailangan gumamit ng heater sapagkat ito'y ipinayong makakasama sa kalusugan ng sinuman sa oras ng pagtulog. Kaya't utampo ang aming kasakasama sa aming higaan. Nagustuhan ko ito kaya't hindi ako pwedeng hindi mag-uwi nito sa Pinas. Dahil nakita ko na mabisang ito ang gamitin dahil maganda ito lalo na't kapag kailangan ko ng hot compress. Mainam at safe gamitin.
Mahirap pala at masarap ang winter. Sa bansang pinanggalingan ko na nagtitiis akong magbayad ng mahal sa kuryente upang malamigan lang...dito nama'y libreng libre. Masarap pero mas mainam pala ang mainit na Pinas. Hahaha! Walang kasiyahan. Kasi mahal ang mga winter coat. Kailangan mo pa ng mga damit na nakapagbibigay ng init. Di gaya sa Pinas na okey lang ang kahit ano...at mura pa.
Grabe...grabe ang lamig dito. Laging malamig ang tungki ng ilong ko dito. At mamamanid at parang tinutusok ng karayom ang aking mga daliri. Kaya't ang sagot dito ay ang magbabad ka sa napakainit na tubigng tub. Ito'y upang di ka gaanong makaramdam ng panlalamig sa gabi o sa umaga man. Naalala ko tuloy, napakaswerte ng Pilipino at dalawa lang ang pagtityagaan natin, ang tag-ulan at tag-araw. Payong, kapote at pamaypay lang, okey na tayo. Talagang maswerte pa rin ang Pinoy. Kahit medyo salat sa yaman. Pero ang totoo mayaman ang ating bansa. Isa lang ang diprensya. Kailangan natin ng mahusay na palakad sa bansa tulad ng palakad ng bansang Hapones.

Nakakabinging katahimikan...

Isang araw na tila may sariling buhay ang pangkaraniwan ng lakas ng hangin na tila ba may gustong sabihin. Una nakakatakot ang lakas ng huni nito, pero sa katagalan ay parang hindi na ito kakaiba sa aking pandinig. Bagkus ay tila ba ito musika sa aking tenga. Kaya't ito ang nagtulak sa akin na makapagsulat ng isang makabuluhang talaan sa wikang Pinoy. Sapagkat kung wala pa ito, tila ba nakakabingi ang katahimikan sa Japan. Wala kang maririnig na ingay. Walang tao kadalasan ang kalsada maliban sa manakanakang nagdadaan na halos mabilang mo ng iyong daliri. Kakaibang pamumuhay ang aking naranasan dito. Kung ang ibang tao na kilala ko na pumasyal dito ay tila hindi nagkapag-enjoy, iba ang aking ginawa. Nagmasid ako ng mga kakaiba kong nakita o nanaranasan. Kakaibang pananaw at tradisyon ang aking tinandaan upang maipagkumpara sa aking nakagisnang Pilipinas. Oo, ipinagmamalaki ko rin na ako ay Pilipino kahit hindi tayo perpekto sa ating nakagisnang bansa at pamumuhay. May iba iba tayong niyayakap na kultura at konsepto bilang isang Pilipino.

Unti-unting nawawala ang matatalinghagang salita ng ating mga ninuno gaya ng mga sumusunod*

huni-whistle
kadalasan-often
kalsada-street
manakanaka-(very)seldom
nagmasid-observe(d)
pananaw-point of view
kumpara-compare

Ito ay di pag-aaral kungdi na-inspired akong sumulat upang hindi mabura ang mga matalinghagang salita na naipamana sa atin ng ating mga matatanda, (aray ko!) Nakakatuwa minsan, marami ang nagkakamali sa pagpipilit na yakapin ang wika ni Uncle Sam (at isa na yata ako ron), samantalang may sarili naman tayong lenggwahe. Ewan ko ba kung anong meron sa wikang ingles. At pati ako ay nakumbinsing kumuha ng kursong AB English nung araw na ako ay mag-enrol ng unang taong pagsabak ko sa kolehiyo sa University of the East. Natawa ang tatay ko bakit hindi ko pinili ang gusto niya na maging komadrona ako. Naalala ko pa ang dahilan ko sa kanya. Ay naku tatay di ko po pinangarap na makakita lagi ng -------. :D Talagang gusto ko ang kursong ito. Naalala ko tuloy ang terror kong titser sa Rizal High School kung saan ako nag-aral. Si Mrs. Fe Pusta, ang paborito kong titser sa English at noong ako'y nasa mababang paaralan ng San Isidro, gustong gusto ko rin ang katarayan ng English teacher ko na si Mrs. Ibanez. Nasaan na kaya sila. Hindi ako nabilang sa cream of the crop pero hindi naman ako napapahuli noon sa klase. Naalala ko, bagot na bagot ako pag oras na ng Pilipino subject namin. Kakainis magbasa ng napakahabang talata ng Noli me Tangere at El Fili. Nakakapagsisi. Iyon pala ang ating kayamanang dapat ay pinahalagahan ko. Bakit ako napunta sa ganitong tema? Ito ay dahil sa nakita kong pagka-nasyonalismo ng mga hapones. Mahal nila at iniingatan ang anumang pamana ng kanilang lahi. Oo...at natunghayan ko ito...at doon ako humanga sa kanila. Kapag sinabing hapon, ito ay kahalili ng salitang giyera at mapang api. Ako bilang personal kong natunghayan ang Japan, naisip kong kaya pala malupit sila noon, dahil sa sobrang pagpapahalaga sa kanilang bansa. Pero ito ay noon. Naniniwala ako sa kanilang pagpupunyaging makatulong at maging isang bansang kaibigan ng Pilipinas. Marami akong nakilalang hapon at isa lang masasabi ko, napakamarespeto nila sa kapwa. Isa na rito ang pagtungo kada may makikita silang kakilala o bisita.

Pero isa rin ang maipagmamalaki ko bilang Pinoy. Kakaiba pa rin ang ating kababayan. Ang pagiging masikap ng kapwa ko na makipagsapalaran dito upang mabuhay ng maginhawa ang kani-kanilang pamilya. Hindi nila iniinda ang lamig at lungkot na mawalay sa mga mahal sa buhay kapalit ng marangyang buhay. Aminin na nating hirap at pagod naman ang kapalit ng pagtatrabaho natin sa Pinas. Doon kikita ka lang ng P7,000 kada buwan kung pangkaraniwang empleyado ka lang. Kahit pa sabihin mong may diploma ka. Pero dito, inoperan na ako ng P50,000 kada buwan, mababa pa raw iyon kumpara sa kita ng mga hapon. Hay nagdadalawang isip tuloy ako kung babalik pa ako dito bilang turista o tatanggapin ko na ang alok na iyon. Ito ang labis kong pinag-iisipan ngayon. Bahala na. Sa ngayon ang isip ko ay ang makapiling ko ang mga mahal ko sa buhay na nasa Pinas. Pero ang natitiyak ko babalik ako dito kung may oras panahon ulit at makakaya ng budget.