Showing posts with label Pinoy. Show all posts
Showing posts with label Pinoy. Show all posts

Sunday, November 23, 2008

Kay agang pasko sa Nobyembre!


Wow naman, tama nga narinig ko sa isang sports commentator over DZBB. Na namahagi si Pacman ng 500 turkey sa mga kababayan nating pinoy sa Silverlake, sa LA. Ito po yung town na kung saan ay maraming pinoy na naninirahan. Ang galing naman. Ang turkey ay siyang nakaugaliang ihain tuwing Thanksgiving Day. Katumbas ito ng 4 na manok sa laki nito. And mind you puro po ang laman ng turkey. Minsang namamasyal kami sa Universal Studio Japan noong nakaraang pasko (2007), nakakita ako ng mga may dalang drumstick at pinapapak nila habang nasa pamamasyal, nakipila po kami dahil natakam ako sa kanila at ng makabili na kami eh...isang kagat lang at itinago ko na siya. Grabe nakakabusog talaga sa laki. Takaw mata ika nga. Akala ko hita ng manok...hita pala yun ng turkey. At napakasarap naman talaga.
Iba na talaga ang level ng buhay ni Pacman ngayon...certified mayaman na talaga siya. At mahiya ang iba diyan dahil lahat ng yaman ni Pacman ay nagdadaan sa dugo at pawis niya. Kung saan bugbog na umaatikabo ang inaabot niya...pinaghirapan talaga. Ika nga when it rains, it falls para sa kanya. Walang habas ang kanyang pagyaman. At sa magandang paraan di gaya ng ibang kung saan saan kinukuha.
Di maitatangging umuukit si Pacman ng sarili niyang lugar sa history ng Pilipinas. Hindi matatawaran ang kanyang pagiging ganap na mahusay na boksingero...isang Pinoy ang umaagaw ng pansin sa pandaigdig na larangan ng boksing. Tagisan ng tibay ng katawan at lakas ng kamao sa ibabaw ng ring ika nga.
Dasal ng lahat ng Pinoy, na manalo ulit si Pacman laban kay de la Hoya. Sana nga!

See this video!

Thursday, February 7, 2008

Nakakabinging katahimikan...

Isang araw na tila may sariling buhay ang pangkaraniwan ng lakas ng hangin na tila ba may gustong sabihin. Una nakakatakot ang lakas ng huni nito, pero sa katagalan ay parang hindi na ito kakaiba sa aking pandinig. Bagkus ay tila ba ito musika sa aking tenga. Kaya't ito ang nagtulak sa akin na makapagsulat ng isang makabuluhang talaan sa wikang Pinoy. Sapagkat kung wala pa ito, tila ba nakakabingi ang katahimikan sa Japan. Wala kang maririnig na ingay. Walang tao kadalasan ang kalsada maliban sa manakanakang nagdadaan na halos mabilang mo ng iyong daliri. Kakaibang pamumuhay ang aking naranasan dito. Kung ang ibang tao na kilala ko na pumasyal dito ay tila hindi nagkapag-enjoy, iba ang aking ginawa. Nagmasid ako ng mga kakaiba kong nakita o nanaranasan. Kakaibang pananaw at tradisyon ang aking tinandaan upang maipagkumpara sa aking nakagisnang Pilipinas. Oo, ipinagmamalaki ko rin na ako ay Pilipino kahit hindi tayo perpekto sa ating nakagisnang bansa at pamumuhay. May iba iba tayong niyayakap na kultura at konsepto bilang isang Pilipino.

Unti-unting nawawala ang matatalinghagang salita ng ating mga ninuno gaya ng mga sumusunod*

huni-whistle
kadalasan-often
kalsada-street
manakanaka-(very)seldom
nagmasid-observe(d)
pananaw-point of view
kumpara-compare

Ito ay di pag-aaral kungdi na-inspired akong sumulat upang hindi mabura ang mga matalinghagang salita na naipamana sa atin ng ating mga matatanda, (aray ko!) Nakakatuwa minsan, marami ang nagkakamali sa pagpipilit na yakapin ang wika ni Uncle Sam (at isa na yata ako ron), samantalang may sarili naman tayong lenggwahe. Ewan ko ba kung anong meron sa wikang ingles. At pati ako ay nakumbinsing kumuha ng kursong AB English nung araw na ako ay mag-enrol ng unang taong pagsabak ko sa kolehiyo sa University of the East. Natawa ang tatay ko bakit hindi ko pinili ang gusto niya na maging komadrona ako. Naalala ko pa ang dahilan ko sa kanya. Ay naku tatay di ko po pinangarap na makakita lagi ng -------. :D Talagang gusto ko ang kursong ito. Naalala ko tuloy ang terror kong titser sa Rizal High School kung saan ako nag-aral. Si Mrs. Fe Pusta, ang paborito kong titser sa English at noong ako'y nasa mababang paaralan ng San Isidro, gustong gusto ko rin ang katarayan ng English teacher ko na si Mrs. Ibanez. Nasaan na kaya sila. Hindi ako nabilang sa cream of the crop pero hindi naman ako napapahuli noon sa klase. Naalala ko, bagot na bagot ako pag oras na ng Pilipino subject namin. Kakainis magbasa ng napakahabang talata ng Noli me Tangere at El Fili. Nakakapagsisi. Iyon pala ang ating kayamanang dapat ay pinahalagahan ko. Bakit ako napunta sa ganitong tema? Ito ay dahil sa nakita kong pagka-nasyonalismo ng mga hapones. Mahal nila at iniingatan ang anumang pamana ng kanilang lahi. Oo...at natunghayan ko ito...at doon ako humanga sa kanila. Kapag sinabing hapon, ito ay kahalili ng salitang giyera at mapang api. Ako bilang personal kong natunghayan ang Japan, naisip kong kaya pala malupit sila noon, dahil sa sobrang pagpapahalaga sa kanilang bansa. Pero ito ay noon. Naniniwala ako sa kanilang pagpupunyaging makatulong at maging isang bansang kaibigan ng Pilipinas. Marami akong nakilalang hapon at isa lang masasabi ko, napakamarespeto nila sa kapwa. Isa na rito ang pagtungo kada may makikita silang kakilala o bisita.

Pero isa rin ang maipagmamalaki ko bilang Pinoy. Kakaiba pa rin ang ating kababayan. Ang pagiging masikap ng kapwa ko na makipagsapalaran dito upang mabuhay ng maginhawa ang kani-kanilang pamilya. Hindi nila iniinda ang lamig at lungkot na mawalay sa mga mahal sa buhay kapalit ng marangyang buhay. Aminin na nating hirap at pagod naman ang kapalit ng pagtatrabaho natin sa Pinas. Doon kikita ka lang ng P7,000 kada buwan kung pangkaraniwang empleyado ka lang. Kahit pa sabihin mong may diploma ka. Pero dito, inoperan na ako ng P50,000 kada buwan, mababa pa raw iyon kumpara sa kita ng mga hapon. Hay nagdadalawang isip tuloy ako kung babalik pa ako dito bilang turista o tatanggapin ko na ang alok na iyon. Ito ang labis kong pinag-iisipan ngayon. Bahala na. Sa ngayon ang isip ko ay ang makapiling ko ang mga mahal ko sa buhay na nasa Pinas. Pero ang natitiyak ko babalik ako dito kung may oras panahon ulit at makakaya ng budget.