Hindi pa halos tayo nakakaahon sa tindi ng iniwan ni Ondoy...at eto na naman daw ang isang malakas na raragasang bagyo na maituturing super-bagyo. Sana naman ay lumihis ito kung saan ay walang masasalanta. Hindi ko sukat akalaing mararanasan ko ang hagupit ni Ondoy kung saan halos nasira ang aming gamit na inanod ng baha. Nakakahinayang ngunit kung maikukumpara sa iba ay walang kahalintulad ang sa kanila. May nawalan ng mahal sa buhay...at may miserable pa kaysa aming naranasan. Nang minsang bagtasin ko ang bayan ng Cainta ay nakita ko ang iniwan ni Ondoy na kung pagsasama-samahin mo ang basurang halos tumpok tumpok sa kalsada ay iisipin mo pa kung saan ito pwedeng itambak. Nakakataba ng puso ang makikita mong pamamahagi ng tulong sa mga depress areas, nakita ko ang mga naka-deploy na mga sundalo na hindi naman po upang gamitin ang kanilang baril o sandata kundi ang magbigay ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta. May mga artistang nagsitulong at nagpasaya sa tao at mayroon din akong nakitang mga pribadong tao na namimigay ng relief goods. Taos man o hindi ang kanilang intensyon ay tulong pa rin yun sa tao. Ang importante ngayon ay ang nakukuha nilang maipanlalaman sa tiyan nilang kumakalam. Nakita ko rin ang mga van ng GMA sa Cainta Municipal Hall...marahil ay nagbigay din sila ng tulong. Sa ganitong panahon...malaki man o maliit ay nakakapagpasaya ito ng taong dumaranas ng matinding paghihirap dahil sa kanilang sinapit sa bagyong si Ondoy.
Sana ay di ganoon kalakas ang maging pagdating ni Pepeng ngayong hapon. Sama sama natin itong hilingin sa ating mga panalangin.
No comments:
Post a Comment